-

@ Bitcoin ba kamo?
2025-05-10 04:33:55
Stratehiya at Performance Metrics ng Gossip Protocol
Ipagpatuloy natin ang mga basic na konsepto ng Gossip Protocol.
Mga Stratehiya sa Gossip Protocol
Ang mga ito ay basic na stratehiya sa implementasyon ng Gossip Protocol:
- Eager Push - Ito ay kapag pinapasa ng node agad-agad ang buong mensahe na natatanggap nya.
- Pull - Ito ay ang peryodikong pagtatanong ng isang node sa iba, kung meron bang bagong mensahe na hindi pa nito alam. Kapag nalaman ng nagtatanong na meron ngang bagong mensahe, hihingin nito ang kabuuan.
- Lazy Push - Ito ay kapag pinapasa ng node ang identifier lamang ng bagong mensahe. Kapag nalaman ng nakatanggap na bago lang din ito sa kanya, hihingin nito ang kabuuan.
Mas mabilis ang pagkalat ng impormasyon sa Eager Push. Pero mas mataas ang redundancy na magaganap. Sa Pull at Lazy Push kasi, magkakaroon pa ng balikan sa komunikasyon bago kunin ang kabuuan ng mensahe/data.
Maaari ring pagsamahin ang mga nabanggit na stratehiya sa pagpapatakbo ng gossip protocol.
Performance Metrics ng Gossip Protocol
- Reliability - ito ang porsyento ng active nodes na nagpadala ng mensahe. Layunin ng gossip protocol na makaabot ng 100% reliability kahit na mayroong mga umaalis o pumapalyang nodes.
- Relative Message Redundancy (RMR) - Ito ay pawang sukat ng message overhead, o gastos ng oras at data ng paggawa at pagkalat ng mensahe. May formula para dito:
m/(n-1) - 1
Kung saan ang m ay ang bilang ng lahat ng mga payload messages na pinagpapalitan sa pag-broadcast, at ang n ang bilang ng lahat ng mga nodes na nagpadala ng na-broadcast na mensahe. Minimum na 2 nodes na nakapagpadala ang kailangan para magamit ang RMR. Mas maiging malapit sa zero ang halaga nito. Pero syempre, dapat mataas ang reliability habang mababa ang RMR. May posibilidad kasi na mababa nga ang RMR, pero mababa ang reliability dahil marami na palang palyadong node.
- Last Delivery Hop (LDH) - ito naman ang sumusukat sa dami ng talon ng isang mensaheng matagumpay na napadala. Mas mababang bilang ng talon, mas mainam.
May mga iba-ibang sistema na pwedeng ilagay sa ibabaw ng mga protocol, iba-ibang mga overlay sa network o bahagi ng network. Pag-usapan natin ang isa sa susunod na post.